Eco-Bank, inilunsad ng SJCCI

Ipinatupad ng punong-guro ng St. Joseph College of Cavite Inc. (SJCCI) na si Sr. Annielyn A. Alejado A.R. ang proyektong Ecological Bank o “Eco-Bank” na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na maging eco-friendly at turuan sila na pangalagaan ang ating kalikasan sa ganitong paraan.

“Sa proyektong ito, magagampanan ng mga Josephians ang kanilang tungkulin sa pangangalaga ng kalikasan. Sila ay inaasahang maging environmentally-caring alinsunod sa Vision-Mission statement ng ating  paaralan,” paliwanag ni Alejado.

Bawat mag-aaral ay makikilahok sa nasabing proyekto sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga recyclable waste materials sa loob at labas ng paaralan.

Ang mga nasabing waste materials ay dadalhin sa paaralan dalawang beses sa loob ng isang buwan upang maibenta sa mga mangangalakal.

Ang perang malilikom ay magsisilbing pondo  ng  bawat  klase  na maaari nilang gamitin sa iba’t-ibang pangangailangan nila tulad ng pagbili ng mga kagamitan sa silid-aralan.

Ayon kay Alejado, hindi ito kumpetisyon na paramihan ng maibibigay na kalakal kundi ito’y isang pamamaraan upang matuto ang mga estudyante na magkaroon ng aktibong aksyon sa pangangalaga sa Inang Kalikasan. (JAMES DAINYEL R. SEBASTIAN)