Ika-75 anibersaryo ng Lungsod ng Kabite: Mga Caviteño, nagdiwang

“Simulain…Pagyamanin!”

Ito ang tema ng naging pagdiriwang ng ika-444 foundation anniversary at ika-75 taon bilang isang Chartered City ng Lungsod ng Kabite na idinaos noong ika-5 hanggang 12 ng Setyembre.

Ginanap ang iba’t-ibang mga aktibidad at paligsahan sa buong lungsod upang ipagbunyi at gunitain ang makulay na kasaysayan at kultura ng Cavite City.

Nagsimula ang pagdiriwang sa paglulunsad ng “Alay Lakad” na nilahukan ng mga publiko at pribadong paaralan at iba pang mga organisasyon.

Nagkaroon rin ng misa noong ika-7 ng Setyembre sa simbahan ng San Roque.

Nag umpisa sa Paaralang Elementarya ng Ladislao Diwa ang “75th Anniversary Grand Parade”.

Pagkatapos, naganap ang flag-raising, wreath-laying  at  paglantad  ng 75th anniversary marker sa Paaralang Elementarya ng Manuel Rojas.

Kinagabihan, binigyan ng parangal ang mga natatanging anak ng Cavite o Gawad Aling sa Montano Hall. Ito ay pagkilala sa mga natatanging anak ng Lungsod ng Cavite na nagtagumpay at kinilala sa pandaigdigan o pambansang larangan at nagsilbing kaagapay sa katuparan ng inaasam na kaunlaran ng lungsod na kanilang pinagmulan.

Ang nasabing karangalan ay isang pagpupugay sa itinuturing na ama ng ating lungsod, Manuel “Aling” S.  Rojas,  na humulma ng pundasyon kung ano ang ating lungsod sa kasalukuyang panahon.

Mayroong iba’t-ibang paligsahang inilunsad ang DepEd Cavite City para sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya.

Ito ay ang mga sumusunod: Histoquiz, Photowalk, On-the-spot poster making contest, Essay writing, at Jingle writing and singing contest.

Isinigawa ang mga ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng DepEd na idinaraos tuwing ika-11 ng Setyembre.

Binigyan ng pagpupugay ang Labintatlong Martir para sa kanilang kabayanihan noong ika-12 ng Setyembre sa Paaralang Elementarya ng Garita.

Idinaos rin sa araw na iyon ang Mayor Totie S. Paredes Cup Basketball League  sa  Montano  Hall Gymnasium.

Sa gabi naman ay ginanap ang Street Party at Fireworks Display sa Muralla.

Sa mga araw ring iyon ay naglagay sila ng “Comelon Food fair” para sa lahat ng mga sasama sa pagdiriwang.

Nagkaroon din ng pagpapakita at paglalahad ng “Litrato Caviteño” na naglalayong makilala ang mga ordinaryong taong mula sa Lungsod ng Cavite na nagkaroon ng malaking kontribusyon sa ating lipunan at pagsusulong sa kapakanan ng buong sambayanan.

Ang mga larawan ay kumakatawan sa lahat ng mga kawani ng ating pamahalaan na tahimik na nagbibigay ng taos-pusong paglilingkod upang isulong ang isang maayos at mapayapang pamayanan.