Mga Caviteño, nakisaya sa Regada 2015

Ipinagbunyi ng Lungsod ng Cavite ang taunan nitong pagdiriwang ng Regada noong ika-24 ng Hunyo.

Ang Cavite City Water Festival o higit na kilala bilang Regada ay idinaraos tuwing Hunyo.

Ang kapistahang ito ay idinaraos taun-taon bilang paggunita sa kapistahan ni San Juan Bautista at pasasalamat ng mga Kabitenyo sa mga biyaya at kabuhayang ipinagkakaloob sa kanila ng tubig na pumapalibot sa buong lungsod.

Para sa taong ito, ang nasabing kasiyahan ay may temang “Basa ba kamo? E’ di wet.”

Ang pangunahing bahagi ng pagdiriwang ay ang pagbabasa gamit ang sprinklers kung saan sumabay at sumayaw sa saliw ng masasayang tugtugin ang mga Kabitenyo pati na ang mga dumayong turista mula sa mga karatig-bayan at lungsod.

Bukod pa dito, nakilahok naman ang mga deboto ni San Juan Bautista sa taunang karakul bilang tanda ng malalim na debosyon sa nasabing patron.

Ilan sa mga itinampok na aktibidad na isinagawa kaugnay sa pista ay ang Basayawan Street Dance, Dibuho sa Buho Art Contest, at Search For Regada Festival King And Queen.

Ang “Regada” ay nagmula sa salitang Espanyol na “regar”, na galing sa mga Chavacano, na nangangahulugang tubig o sa pagdidilig. (JAMES DAINYEL R. SEBASTIAN)