Mutya ng Wika 2015: Sto. Tomas, wagi

Nagdiwang ang mga Josephians matapos hirangin bilang Mutya ng Wika 2015 si Bb. Minette Angelica N. Sto. Tomas, isa sa mga guro ng SJCCI, Agosto 24, sa Montano Hall Gymnasium.

Bukod sa korona, naiuwi rin ni Sto. Tomas ang “Best in Talent” award sa kanyang husay sa pag-awit ng “Tagumpay Nating Lahat” na pinasikat ni Lea Salonga.

Nakamit naman ni G. Jeffrey James Delgado ang ikatlong karangalan bilang kalahok sa “Lakan ng Wika” at ang “Best in School Attire” award.

Ang “Mutya at Lakan ng Wika” ay isa sa mga pangunahing patimpalak ng DepEd Cavite City na kabilang sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran.”

Mga guro mula sa elementarya at sekondarya ng iba’t-ibang paaralan ang lumahok sa nasabing patimpalak.

Ayon kay Sto. Tomas, naging susi sa kanyang tagumpay ang puspusang paghahanda, paniniwala, at pagdarasal sa Diyos.

“Noong una, aminado akong hindi ko gustong sumali sa ganitong klase ng patimpalak dahil hindi naman ako sanay sa mga bagay na ito. Masasabi ko na malaking bagay ang preperasyon. Naghanda at nagsanay kami sa tulong ni G. Abelardo Senido Jr. Nagsanay din ako kasama ang mga bata para sa aking talent number. Dahil dito, nagsimula akong maniwala sa sarili ko na kaya ko. At higit sa lahat, nagdadasal ako kahit habang naglalakad na ako sa stage,” sabi ni Sto. Tomas.

Nagsilbing inspirasyon ng guro sa musika ang suportang natanggap niya mula sa kanyang pamilya at mga katrabaho at mag-aaral sa SJCCI.

“Naalala ko na ilang gabi kong pinagdasal, makuha ko lang yung Best in Talent, Masaya na ako. Ngunit nung nandoon na ako sa mismong patimpalak, nagdasal ako sa Diyos na tulungan ako dahil gusto kong ibigay ang lahat ng aking makakaya dahil sa nakita kong suporta ng aking pamilya at ng mga taga-SJCCI sa akin,” dagdag ni Sto. Tomas.

Sa pangunguna ni G. Senido Jr., Student Affairs  Coordinator, muling binigyan ng pagkilala  sina Bb. Sto. Tomas at G. Delgado sa pampinid na palatuntunan para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ginanap sa SJCCI gymnasium noong ika-27 ng Agosto. (CLARIDEL S. PAGCU)