Reina de Cavite, muling bumisita sa SJCCI

Nagkaisa ang buong pamilya ng SJCCI upang salubungin at parangalan ang Mahal na Birhen ng Porta Vaga, ang tinaguriang Reina De Cavite, noong ika-6 ng Oktubre bilang bahagi ng Dalaw Birhen 2015.

Ang Dalaw Birhen ay isa sa mga paghahanda ng Parokya ng San Roque para sa nalalapit na kapistahan ng Ina ng Soledad na gaganapin sa Nobyembre 8, 2015.

Pinangunahan ng School Directress na si Sr. Noemi O. Mapa, A.R. ang pagtanggap sa imahen ng Mahal na Birheng Maria.

Ang imahe ay idineretso sa gymnasium ng SJCCI para sa pagdiriwang ng banal na misa sa pangunguna ni Rev. Fr. Dominador Medina.

Matapos ang misa ay idinaos ang isang Rosary Vigil na nilahukan ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo, kabilang na ang mga guro at ng mga A.R. sisters

Matapos ang lagpas kalahating araw na pamamalagi sa paaralan ay inihatid ng mga piling mag-aaral ng Grade 10 ang imahe ng Mahal na Ina sa susunod nitong destinasyon alinsunod sa pagbisita nito sa iba’t-ibang barangay sa lungsod. (JIAN CARLO DE GUZMAN)