SJCCI, itinanghal na kampeon sa Paskilan ‘15

Muling kinilala ang pagiging malikhain ng mga Josephians sa pangunguna ni G. Orlan Brylle Tarac, guro sa asignaturang Filipino sa sekondarya, na nagkamit ng unang gantimpala sa Paligsahan sa Paskilan sa kategorya sa elementarya at sekondarya noong ika-12 ng Agosto bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Ang Paskilan ay ang taunang kompetisyon sa pagsasaayos at pagdedekorasyon ng bulletin board alinsunod sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Batay sa temang “Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran,” nasigurado ni Tarac ang tagumpay sa tulong ng iba pang guro mula sa elementarya at sekondarya.

Ito ang ikalawang taon na naiuwi ng SJCCI ang unang karangalan sa nasabing patimpalak, kasunod ng natamong tagumpay sa Paskilan 2013. (JAMES DAINYEL R. SEBASTIAN)